Home HOME BANNER STORY Resupply mission sa BRP Sierra Madre nakumpleto na – AFP

Resupply mission sa BRP Sierra Madre nakumpleto na – AFP

MANILA, Philippines- Nakumpleto ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine Coast Guard (PCG) ang resupply para sa contingent na sakay ng BRP Sierra Madre (LS-57) na nakaistasyon sa Ayungin Shoal nitong Sept. 26, o dalawang buwan matapos ang huling misyon.

Makikita sa video clip mula sa AFP ang civilian vessel, ang M/V Lapu-Lapu, na papalapit sa BRP Sierra Madre.

Inihayag ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla nitong Biyernes na nagdala ang militar ng “essential supplies” at nakumpleto nito ang misyon.

“We confirm the presence of Chinese vessels in the vicinity of Ayungin Shoal during our execution of (the) mission. Up to eight different Chinese vessels were monitored in the vicinity but posed no threat to our mission and our personnel were able to complete the mission and sustain our presence in the shoal,” ani Padilla.

Sinabi naman ni AFP public affairs office chief Col. Xerxes Trinidad nitong Biyernes na ipagpapatuloy ng militar ang pagsuporta sa mga nakaistasyong sundalo sa lugar.

Isinagawa ang huling resupply mission para sa BRP Sierra Madre noong Hulyo 27, mahigit isang buwan matapos ang marahas na June 17 incident kung saan hinarang ng China Coast Guard ang sinakyan ang Filipino vessels na nagsasagawa ng resupply mission doon.

Naputulan ng daliri ang isang sa nasabing insidente nang tutukan ng Chinese forces ng armas ang mga sundalong kasama sa misyon. RNT/SA