Home METRO Retiradong pulis na may sakit, inabandona sa sasakyan

Retiradong pulis na may sakit, inabandona sa sasakyan

MANILA, Philippines – Isang 70-anyos na retiradong pulis ang nirescue ng mga awtoridad matapos abandonahin sa loob ng isang sasakyan sa Maynila.

Ayon sa nakuhang impormasyon, tatlong araw nang nasa loob ng sasakyan ang matanda at walang kasama.

Tanging ang guwardiya ng isang establisyimento lamang ang nagbibigay sa kanya ng pagkain o kaya kape na kanya naman umanong tinatanggap.

Napag-alaman batay umano sa CCTV, na Sabado pa pumarada ang kulay gray na kotse sa tapat ng IQ Commercial Building sa Abad Santos, sa Maynila na may kasama ngunit iniwan ang may sakit na matanda na mag-isa.

Nagreklamo umano ang may-ari ng establisyimento dahil nakaharang ang naturang sasakyan sa bangketa.

Dito na rin nalaman na ang biktima ay ilang araw nang inabandona.

Alas-11 ng umaga ng Lunes, Hunyo 16 nang madiskubre ang kawawang retiradong pulis na ayon sa kanya ay taga-Novaliches.

Agad itong naitawag sa 911 hotline kaya nakaresponde ang rescue team at ambulansya mula sa Philippine Red Cross at Manila Disaster Risk Reduction Management Office upang madala sa ospital para mabigyan ng medikal na atensyon ang inabandonang senior citizen. Jocelyn Tabangcura-Domenden