MANILA – SA halip na isda, P20.4 milyong halaga ng pinaniniwalaan shabu ang nalambat ng mga mangingisda sa Ilocos Norte, iniulat kahapon, Hunyo 15.
Sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), tatlong pakete ng shabu na may Chinese markings at may timbang na tatlong kilo bawat isa ang natagpuan sa baybayin ng Pangil, Currimao; La Paz, Laoag City; at Masintoc, Paoay.
Isinuko ito ng mga mangingisda sa PDEA Ilocos Norte sa tulong ng Philippine Coast Guard at PNP noong Hunyo 12 at 13.
Kasabay nito, noong Hunyo 10 ay narekober din sa mga lalawigan ng Zambales, Bataan, Ilocos Sur, at Pangasinan ang 66 sako ng shabu na may kabuuang timbang na 1,297.9 kilo at halagang P8.8 bilyon.
Pinuri ni PDEA Director General Isagani Nerez ang mga mangingisda sa kanilang katapatan. “Malaki ang papel ng mamamayan sa pagpigil sa ilegal na droga.
Kailangan natin ng mas marami pang ganyang uri ng mamamayan,” ani pa ni Nerez. Mary Anne Sapico