MANILA, Philippines – Nagdadalamhati ang judiciary sa pagpanaw ni retired Associate Justice Bernardo P. Pardo, ayon sa ipinahayag ng Supreme Court noong Huwebes.
“Si Justice Pardo ay laging maaalala sa kanyang katapatan, integridad, karunungan, sigasig at dedikasyon sa serbisyo at kahusayan bilang isang hukom, abogado, at propesor ng batas, hinahangaan at pinahahalagahan ng kanyang mga kasamahan sa Judiciary at sa propesyon ng batas,” sabi ng SC sa isang pahayag.
Si Pardo, na pumanaw noong Disyembre 10, ay hinirang ni dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada noong Oktubre 7, 1998.
Mula Pebrero 1995 hanggang Oktubre 1998, nagsilbi siya bilang Chairman ng Commission on Elections at naging Justice ng Court of Appeals mula 1993 hanggang 1995.
Nagtrabaho siya bilang Regional Trial Court at Court of First Instance Judge mula 1974 hanggang 1983.
Sinabi rin ng SC na nagtrabaho rin si Pardo sa Office of the Solicitor General mula 1962 hanggang 1974, at sa Law Office ni Jose W. Diokno mula 1955 hanggang 1962.
Siya ay nagretiro sa SC noong Pebrero 10, 2002.
Sinabi ng SC na ang kanyang labi ay nasa Minor Basilica of the National Shrine of Our Lady of Mount Carmel, 5th Street corner Broadway Avenue, New Manila, Quezon City.
Ang lamay ay mula Disyembre 11-13, 2025 mula 2 ng hapon hanggang 10 ng gabi habang ang Necrological Service ay gaganapin sa Sabado, Disyembre 13, 2025 sa alas 3 ng hapon.
Sa Linggo naman ang paghahatid sa kanya sa huling hantungan ,Disyembre 14 alas 11 ng umaga sa Manila Memorial Park, Sucat, ParaƱaque. Jocelyn Tabangcura-Domenden