MANILA, Philippines – Naghain ng ‘motion for apportion’ si dating Senator Bong Revilla Jr sa prosekusyon sa pagdinig ng reklamong plunder ngayong araw, Marso 3, sa Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Atty. Francesca Señga, ito’y bilang pagtutol o hindi pagsang-ayon sa ipinasok na mosyon ng National Bureau of Investigation (NBI) para magdagdag ng karagdagang respondent sa naunang preliminary investigation.
“Nakakapagtaka matapos naming punahin na lahat ng kasama ni Senator Bong eh winitness protection, biglang… matapos ang isang linggo ay nagdagdag sila ngayong ng apat na respondents, so mga engineers sila ng DPWH,” pahayag ng abogado ng dating senador.
Kabilang rito sina dating Public Works National Capital Region Engineers Denryl Caesar Cortuna, Manny Bulusan, Ruel Umali at Arturo Gonzales Jr.
Bunsod nito, kinuwestyon ng kampo ni Revilla dahil sa hindi malinaw ang rason sa pagkakadagdag ng panibagong mga respondent.
Paliwanag lamang nila, ayon kay Atty. Senga, sa mosyon ng NBI na magdagdag ng respondents ay dahil may nadiskubre silang bagong ebidensya o tinatawag na ‘newly discovered evidence.’
Paliwanag naman ng Department of Justice na posibleng batay sa iba pang mga ebidensya o affidavits ang dahilan ng NBI nang magpasok ito ng mga bagong pangalan sa reklamo.
Ngunit binigyang diin ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez na kailangan mapatunayan na ito’y mga bagong natuklasan o nadiskubre ng kawanihan.
Ang mga bagong respondents, sa naganap na preliminary investigation ay hindi naghain ng kanilang ‘counter-affidavits’ bagkus humiling mabigyan ng palugit sa prosekusyon.
Ayon kay Atty. Senga, itinakda ang susunod na pagdinig sa Marso 13, 2026 para sa kanilang isusumiteng mga kontra-salaysay. Jocelyn tabangcura-Domenden