MANILA, Philippines – Itinaas pa ang reward para sa impormasyon na makakatulong sa paghahanap ng American Elliot Eastman sa P500,000 na ngayon.
Nagdagdag ng P350,000 ang Office of the Third District Representative ng Zamboanga del Norte sa P150,000 na inalok kanina ng lokal na pamahalaan ng Sibuco.
Ang reward money ay ibibigay sa sinumang makapagtuturo sa banca na ginamit umano sa pagkidnap kay Eastman noong Oktubre 17, 2024, gayundin ang kinaroroonan ng biktima.
“Wala pa tayong report regarding that kasi kung meron, malaking progress yun kasi ang binibigyan natin ng reward money yung makapagtuturo sa bangka, yung makapagturo doon sa location ng ating biktima,” ani P/Lt. Col. Helen Galvez, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-9.
Sinabi ni Galvez na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agencies sa ibang bahagi ng Mindanao.
“Kasama po sila sa paghahanap dito sa ating biktima; active sila dyan. Sinasabi natin ASG-free tayo sa area, hindi naman ito nagde-deter sa paghahanap natin, kaya kasama sila na nakikipagtulungan sa atin. May mga intelligence report din na tumutukoy sa ibang areas not just in Region 9,” dagdag pa ni Galvez.
Sinimulan na rin ng mga ahente ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) na imbestigahan ang insidente.
Noong Oktubre 17, apat na armadong lalaki ang umano’y pumasok sa bahay ni Eastman sa Barangay Poblacion, Sibuco at nagpakilalang mga alagad ng batas.
Binaril umano nila ang binti ni Eastman nang tumanggi itong sumama sa kanila. Napilitang sumakay si Eastman sa isang banca, na maaaring patungo sa Sulu o Basilan.
Halos limang buwan nang naninirahan sa probinsiya si Eastman matapos siyang ikasal sa isang residente sa lugar. RNT