Home NATIONWIDE ‘Rice for All’ program ilulunsad ng DA ngayong Hulyo

‘Rice for All’ program ilulunsad ng DA ngayong Hulyo

MANILA, Philippines – Ilulunsad ng Department of Agriculture (DA) ang kanilang “sustainable” Rice for All program ngayong Hulyo upang mabigyan ang pangkalahatang publiko ng mas murang bigas.

Sa isang panayam, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na ang lahat ng detalye at hakbang ng programang Rice for All ay matatapos sa loob ng linggo, na may nakaplanong paunang paglulunsad sa Kadiwa sites na nagho-host ng P29 na programa.

Ayon pa sa DA ang P29 program ay tumutukoy sa subsidized rice sa P29 kada kilo sa mga mahihinang sektor, kabilang ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), senior citizens, solo parents, at persons with disabilities (PWDs).

Kaugnay nito inilunsad ng DA ang malakihang pagsubok para sa P29 na programa noong Hulyo 5 sa 10 tindahan ng Kadiwa: Bureau of Animal Industry Dome at National Irrigation Administration sa Quezon City; ang Bureau of Plant Industry sa Malate, Manila; Food Terminal Inc. sa Taguig City; Philippine Fiber Industry Development Authority sa Las Piñas; Bayani Fernando Central Terminal o BFCT at Barangay Fortune sa Marikina; at mga site sa Caloocan, Valenzuela, at San Jose del Monte, Bulacan.

Samantala, ang Rice for All Program ay magbebenta ng bigas sa pangkalahatang publiko sa halagang PHP45/kg. sa PHP48/kg.

“We want this (Rice for All) to be a sustainable and long-gestating program. Ang target natin hanggang matapos ang termino ng Pangulo (Our target is until the end of the term of President),” ayon kay de Mesa .

Aniya, ang supply para sa Rice for All program ay pinaghalong imported at local well-milled rice mula sa partner farmer cooperatives at private traders.

Sinabi pa ng DA na may posibilidad din na ang Rice for All program ay maaaring magbenta ng bigas sa mas mababang presyo, dahil sa pagbaba ng trend sa world market.

Mula sa USD543 kada metriko tonelada (MT) noong Mayo, bumaba ang presyo ng bigas sa world market sa USD531 noong Hunyo.

Nitong Hulyo 5, nasa PHP47/kg ang presyo ng inangkat na regular-milled rice. sa PHP51/kg., at PHP52/kg. sa PHP55/kg. para sa well-milled rice, ayon sa DA-Bantay Presyo.

Sinabi ni De Mesa na layunin ng DA na palawakin ang P29 at Rice for All programs, sa pakikipagtulungan ng mga local government units, sa Visayas at Mindanao sa Agosto. Santi Celario