MANILA, Philippines- Tinukoy ang Rice-for-All program ng administrasyon, o ang pagbebenta ng mas murang bigas sa publiko, na “most approved” government initiative, base sa pinakabagong survey results mula sa political consultancy firm Publicus Asia.
Lumabas sa PAHAYAG survey, isinagawa mula Sept. 15 hanggang 19, 2024, na 82 porsyento ng respondents ang aprubado ang paglulunsad ng Rice-for-All program, na nakahanay sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking mayroong abot-kayang pagkain, partikular ang bigas, para sa bawat Pilipino.
Sa ilalim ng programa, ibinebenta ang mixed local at imported commercial well-milled rice sa halagang P45 kada kilo sa initial sites ng DA sa Food Terminal Inc. sa Taguig City; Bureau of Plant Industry (BPI) sa Manila; Pantao Fisherfolks Consumer Cooperative (PFCC) sa Potrero, Malabon; at Llano Road sa Caloocan City.
Kasabay ang rollout nito ng large-scale trial ng P29 program ng DA o pagbebenta ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa P29/kg sa vulnerable sector, kabilang ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), senior citizens, solo parents, at persons with disabilities (PWDs).
Lumabas din sa survey na nakakuha ang pagkahuli kay dismissed Bamban mayor Alice Guo ng 82 porsyentong approval rating.
Nakakuha naman ang panukalang pagbuwag sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) alinsunod sa utos ni Pangulong Marcos ng 79 porsyentong pag-apruba ng respondents.
Naniniwala ang 50 porsyento ng respondents na tinatahak ng bansa ang tamang direksyon, habang 29 porsyento ang nagsabing hindi sila sigurado sa kasalukuyang direksyon ng bansa, at 24 porsyento naman ang naghayag na patungo ang bansa sa maling direksyon.
Samantala, binanggit ng respondents ang korapsyon bilang pangunahing isyu na nais ng mga Pilipino na aksyunan ng pamahalaan.
“While the public’s concerns remain largely consistent, there is a notable shift in the ranking of these issues. Corruption now tops the list, reflecting a growing frustration with governance and accountability across different sectors of society,” anang pollster.
Gumamit ang nasabing survey ng purposive sampling na may 1,500 respondents na “randomly drawn” mula sa market research panel ng mahigit 200,000 registered Filipino voters. RNT/SA