Home NATIONWIDE Rice shipment pabibilisin ng BOC vs mapansamantalang importer

Rice shipment pabibilisin ng BOC vs mapansamantalang importer

TINIYAK ng Bureau of Customs (BOC) ang agarang pagpapalabas ng mga kargamento ng bigas sa Manila International Container Port (MICP) bilang tugon sa mga alalahanin sa mga potensyal na pagkaantala nito na maipamahagi o makarating sa mga konsyumer.

Sa isang pahayag, tiniyak ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio sa publiko na ang ahensya ay masigasig na nagtatrabaho upang maiwasan ang mga abala at masugpo ang iligal na pag-iimbak ng bigas.

Ang naturang pahayag ay matapos ang isinagawang inspeksyon sa mga iniangkat na bigas noong Setyembre 25, 2024, sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez, kasama sina ACT-CIS Party-list Representatives Erwin Tulfo at Edvic Yap, kasunod ng mga ulat ng port congestion.

Sinabi ni Rubio na walang port congestion sa MICP at na-clear na ang lahat ng mga kargamento, binanggit na ang mga pagkaantala ay nagmumula sa sinasamantala ng mga importer ang 30-araw na palugit upang i-claim ang kanilang mga kargamento pagkatapos magbayad ng customs duties and taxes.

Hinimok ni Romualdez ang mga importer ng bigas na bilisan ang pagpapalabas ng kanilang mga kargamento, na nagbabala sa kanila laban sa pag-iimbak, na maaaring humantong sa legal repercussions.

Sa ngayon, 630 rice containers ang nasa MICP, kung saan 492 ang cleared customs duties at 138 pa ang pinoproseso. Jay Reyes