MANILA, Philippines – Naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order (SCO) laban sa rehistradong may-ari at rider ng motorsiklo na umano’y naghagis ng bagay sa isang bata at ina nitong sakay ng tricycle.
Batay sa viral video, tinamaan sa noo ang bata na nagresulta sa injury habang bumibiyahe sila sa isang pampublikong kalsada. Lumitaw din sa video na patuloy umanong hina-harass ng rider at back rider ang mga biktima habang kinukuhanan sila ng video.
Ayon sa paunang imbestigasyon, nagkaroon muna ng pagtatalo sa pagitan ng mga sangkot bago ang insidente.
Napansin din ng LTO na walang side mirror ang motorsiklo at hindi awtorisado ang mga helmet na suot ng rider at back rider.
Inatasan ng LTO ang mga sangkot na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) sa Central Office sa Setyembre 29 upang magsumite ng kanilang sinumpaang salaysay at iba pang dokumento.
Kabilang sa mga paglabag na kinakaharap nila ang reckless driving, paglabag sa Anti-Distracted Driving Act, hindi pagsusuot at hindi pagpapasuot ng standard protective motorcycle helmet sa back rider, at paggamit ng motorsiklong walang kinakailangang accessories.
Sinuspinde rin ng 90 araw ang lisensya ng rider at inatasang isuko ito sa IID. Maaari rin itong tuluyang bawiin kung mapatunayang “Improper Person to Operate a Motor Vehicle.” Naka-alarm status naman ang motorsiklo habang isinasagawa ang kaukulang proseso.
“Hindi kailangang idaan sa dahas ang anumang hindi pagkakaunawaan sa kalsada. Lalo nating dapat bigyang-prayoridad ang kaligtasan ng mga bata at hindi natin palalampasin ang anumang kilos na maaaring maglagay sa panganib sa kanilang buhay,” ani LTO spokesperson Vigor Mendoza
Hinikayat ng LTO ang publiko na magsumite ng mga ulat at video tungkol sa mga paglabag sa batas-trapiko upang agad itong maimbestigahan.
“Tinitiyak ng LTO na ang bawat sumbong na may sapat na impormasyon ay susuriin at sasailalim sa kaukulang proseso alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.” RNT/MDS