MANILA, Philippines- Patay ang isang motorcycle rider matapos banggain mula sa likuran ang kanyang minamanehong motorsiklo ng isang kotse sa Las Piñas City Martes ng madaling araw, Abril 1.
Bsse sa inisyal na report ng Las Piñas City police ay napag-alaman na hinablot ng biktimang rider ang cellular phone ng driver ng kotse kung kaya’t hinabol ito ng huli at pagdating sa may lugar ng Barangay Zapote ay panandaliang nag-menor ang rider habang tuloy ang mabilis na pagtakbo ng kotse at sadyang binangga ang likurang bahagi ng motorsiklo ng rider.
Sa lakas ng pagkakabangga ng kotse sa motorsiklo ay duguang tumilapon ang rider sa bangketa.
Tumigil na rin ang driver ng kotse at bumaba ng kanyang sasakyan kung saan nilapitan nito ang duguang rider at kinuha dito ang kanyang cellular phone na ini-snatch sa kanya.
Pinatunayan naman ng isang saksi ang salaysay ng driver ng kotse na nagsabing naglalakad siya patungong Zapote nang hablutin ng rider ang cellular phone ng driver ng kotse.
Ayon kay Las Piñas police Traffic Sector chief P/Captain Bryan Raquinio, mabilis namang isinugod sa pinakamalapit na ospital ang rider kung saan idineklara itong dead on arrival.
Sinabi ni Raquinio na agad namang sumuko ang driver ng kotse kung saan kinasuhan nila ito ng reckless imprudence resulting in homicide and damage to property subalit nag-isyu naman ng waiver ang pamilya ng rider na hindi na sila interesado sa paghahain ng reklamo laban sa driver ng kotse kung kaya’t kasalukuyan na itong nakalalaya.
Napag-alaman din ng pulisya na ang nasawing rider ay may kinakaharap na mga kasong robbery, paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o ang RA 9165 at paglabag sa PD 1602 o ang aktibidad ng ilegal na pagsusugal. James I. Catapusan