Home METRO Rider na lulong sa online games kulong sa ‘hold-up me’

Rider na lulong sa online games kulong sa ‘hold-up me’

CAVITE- Hindi umubra ang pakulo ng isang rider na “hold-up me” matapos mabuko ng mga pulis sa mismong bibig nito ang kanyang modus na na-holdap ito at pinalabas na natangay ang koleksyon nitong pera, kahapon sa bayan ng Silang.

Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Silang Municipal Police Station (MPS) ang suspek na kinilala sa alyas Josh, 26, at residente ng nasabing bayan.

Ayon kay Lt. Col. Louie Gonzaga, hepe ng Silang Municipal Police Station, umaga noong Marters (Pebrero 25, 2025), nagtungo sa kanilang himpilan ang suspek para pormal na magreklamo na na-holdap ito ng riding in tandem.

Batay sa sinumpaang salaysay ng suspek, noong umaga ng Pebrero 23, 2025, habang nakaparada siya sa gilid ng kalsada na sakop ng Barangay Toledo, Silang, bigla na lamang umanong dumating ang lalaking naka-motorsiklo at nakasuot ng helmet.

Dagdag pa nito, tinutukan siya ng baril at nagdeklara ng holdap saka tinangay ang koleksyon niyang P13,400.

Subalit, sa isinagawang follow-up investigation ng pulisya, walang nakitang motorsiklo at dalawang lalaki na tumutok ng baril sa mga oras na binanggit ni Josh.

Kalalunan, umamin ang suspek na walang nangyaring hold-up kundi napatalo nito sa sugal ang pera na kanyang koleksyon sa pag-aakalang malusutan niya ang paglustay ng pera.

Nahaharap ngayon sa kasong perjury ang suspek. Mary Anne Sapico