Home METRO Rider na suspek sa pangho-holdap timbog!

Rider na suspek sa pangho-holdap timbog!

MANILA, Philippines- Natukoy na ng Pasay City Police ang person of interest sa umano’y pangho-holdap ng rider ng isang motorcycle taxi sa isang pasahero noong May 28.

Inilahad ng biktima na kinilalang si “Annie,” na nag-book siya sa motorcycle taxi app mula Cubao, Quezon City patungong Makati City, subalit inilihis umano ng rider ang sasakyan papuntang Pasay. 

Pagbabahagi ng biktima, “Nagtanong siya – maam pwede nyo ba ako samahan kahit saglit lang? Ay hindi pwede kuya kasi may work ako. Doon ako nag-start mag-panic bakit siya dumerecho. Sabi ko, kuya, bakit ka dumiretso hindi lumiko? Malungkot daw po siya, ulit-ulit niya sinasabi.”

Subalit, lalo pa umanong binilisan ng Move It rider ang pagpapatakbo ng motorsiklo.

“Umiiiyak na ako ibaba mo na ako, kuya. Tapos pumayag na siya na ibaba ako pero kukunin daw niya ang gamit ko. So nung sinabi nya yon, pumayag na ako dahil hindi ko alam kung saan niya ako dadalhin, kung magdere-derecho po. Binaba niya ako sa lugar na madilim,” paglalahad pa ng biktima. 

Natangay umano ng rider ang P4,000 cash at ATM at credit cards ng biktima.

“Base sa kanyang salaysay, possible po ito robbery. Bago siya binaba may kundisyon na ginawa ang driver, hindi sya bababa kung ‘di binigay ang bag nya. So, from the facts and circumstances maaari nating kasuhan ng robbery kasi may intimidation yon na hindi bababa kundi ibibigay ang bag,” ani PCapt. Allan Valdez ng Pasay City Police.

Sa kasalukyan ay wala pang komento ang inirereklamong rider, habang sinabi naman ng pamunuan ng Move It na ipinatawag na nila ang rider. RNT/SA