Home METRO Rider na walang suot na helmet timbog sa droga!

Rider na walang suot na helmet timbog sa droga!

MANILA,Philippines- Swak sa kulungan ang isang mister matapos mabisto ang dalang shabu makaraang masita ng mga pulis dahil sa wala itong suot na helmet habang sakay ng minamaneho nitong motorsiklo sa Valenzuela City.

Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang naarestong suspek na si alyas “Jim,” 37, truck driver at residente ng Quezon City.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon Valenzuela City Police, nagsasagawa ng Anti Criminality Operation (Oplan Sita) ang mga tauhan ng Dalandanan Police Sub-Station (SS6) sa pangunguna ni P/Capt. Reymund Andujar sa kahabaan ng McArthur Highway, Brgy. Dalandanan nang parahin ng mga ito ang suspek dahil walang suot na helmet habang sakay ng motorsiklo dakong alas-8:50 ng gabi.

Nang hingin ang driver’s license nito para sa beripikasyon ay nakita ng mga pulis nang buksan ng suspek ang kanyang license plastic holder ang nakasuksok na isang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Agad na inaresto ng mga pulis ang suspek at nakumpiska sa kanya ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P6,800. R.A Marquez