MANILA, Philippines- Pitong ranking police officials ang nakakuha ng bagong posisyon sa balasahan sa Philippine National Police (PNP), na pinairal nitong Biyernes.
Sa kautusang nilagdaan ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil nitong Huwebes, inilipat sina Police Regional Office (PRO) 11 (Davao) chief Brig. Gen. Aligre Martinez; Directorate for Operations (DO) chief Brig. Gen. Ronald Oliver Lee; at Col. Edwin Portento ng Intelligence Group sa Personnel Holding and Accounting Unit ng Directorate for Personnel and Records Management.
Samantala, pinalitan ni Brig. Gen. Nicolas Torre III mula sa PNP Communications and Electronics Service si Martinez bilang bagong PRO-11 chief habang itinalaga si Directorate for Plans (DPL) chief, Brig. Gen. Nicolas Salvador bilang bagong DO head.
Pinangalanan naman si Brig. Gen. Lex Ephraim Gurat mula sa National Capital Region Police Office na bagong DPL chief.
Inilipat si Brig. Gen. John Chua from the Area Police Commander – Visayas sa National Police Training Institute.
Kasunod ang balasahan ng June 10 simultaneous operations na inilunsad ng kapulisan upang arestuhin si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy at lima pa para sa child and sexual abuse at human trafficking charges. RNT/SA