MANILA, Philippines – Patay ang isang rider habang sugatan ang nakababata nitong kapatid at kaibigang isusugod sana sa ospital nang sumalpok ang kabilang rmotorsiklo sa posteng bakal na lalagyan ng traffic signage Martes ng madaling araw, Agosto 4 sa Caloocan City.
Hindi na umabot ng buhay sa Dr Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ang driver ng motorsiklo na si alyas “Aaron”, 27, habang kritikal ang nakababata niyang kapatid na si alyas “Andre”, 18.
Inilipat naman sa Caloocan City Medical Center ang kanilang kaibigan na isusugod sana nila sa ospital matapos mapalo ng bote sa isang inuman.
Sa ulat na nakarating kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Jerry Protacio, mabilis na tinatahak ng tatlo ang kahabaan ng Camarin Road dakong ala-1:10 ng gabi patungo sa pagamutan nang mawalan ng kontrol sa manibela si Aaron pagsapit sa pakurbang bahagi ng daan hanggang sumalpok sa bakal na poste.
Tumilapon ang tatlo sa motorsiklo at pawang walang malay nang isugod sa pagamutan sanhi ng pinsalang tinamo sa ulo at katawan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na “self-accident” umano ang nangyari na sanhi ng sobrang tulin ng takbo ng motorsiklo. Merly Duero