Home METRO Rider patay, angkas sugatan sa pag-counterflow

Rider patay, angkas sugatan sa pag-counterflow

MANILA, Philippines – Isang lalaking rider ang namatay habang inoobserbahan pa sa ospital ang angkas nito makaraang makasalpukan nito ang isang pampasaherong bus nang mag-counterflow sa kahabaan ng Soriano Highway, Tanza, Cavite.

Ayon sa ulat, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng biktima na dead on the spot na tinatayang may edad 25 hanggang 30 anyos na nagmamaneho ng isang Yamaha na may plakang 6734VP habang ang angkas nito na isang lalaki na tinatayang may edad na 18-25 anyos na isinugod sa Tanza Doctors Hospital.

Ayon sa report, kinilala naman ang driver ng ATA Liner bus na may plakang NDZ 6500 na si alyas Renato, 42 na residente Brgy. Poblacion 1, Ternate, Cavite.

Batay sa ginawang imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-4:10 kamakalawa ng madaling araw, binabagtas ng driver ng ATA Liner bus at driver ng motorsiklong Yamaha ng biktima ang nasabing highway patungo sa direksiyon ng Tanza proper, habang ang huli ay sa kabilang direksyon na patungong Naic, Cavite.

Tinangka umano ng driver ng motorsiklo na mag-counter flow at inokupahan nito ang kabilang lane dahilan upang makasalpukan nito ang pampasaherong bus.

Dahil sa insidente, namatay sa pinangyarihan ng insidente ang driver ng motorsiklo habang ang angkas nito ay kasalukuyanbg nilalapatan ng lunas sa ospital. MARGIE BAUTISTA