LA UNION, Philippines – Kamatayan ang sinapit ng isang 28-anyos na lalaki matapos masagasaan ng trailer truck sa lungsod ng San Fernando ng lalawigang ito kahapon.
Ayon sa mga awtoridad, ang namatay na lalaki ay ang driver ng kulay itim na Honda Click motorcycle, residente ng Mangaldan, Pangasinan.
Ang truck ay minaneho naman ng 42-anyos na lalaki na residente ng Lanao Del Norte, naninirahan ngayon sa City of San Fernando, La Union.
Sa initial na imbestigasyon, ang dalawang sasakyan ay parehong papuntang hilagang direksyon.
Tinangka umanong unahan ng Honda Click ang truck gamit ang shoulder portion ng kalsada ngunit habang ginagawa ito ng driver ay bigla siyang nawalan ng kontrol sa manibela ng motorsiklo hanggang sa sumemplang sa kalsada ang kanyang motor.
Dahil dito, aksidenteng nasagasaan ng rear wheel ng truck ang driver ng motorsiklo.
Idineklarang dead on the spot ang driver ng motorsiklo. Rolando S. Gamoso