MANILA, Philippines- Patay ang isang rider matapos magulungan ng isang 10-wheeler truck sa bahagi ng Mel. Lopez Blvd, sa Tondo, Maynila.
Sa ulat, umiwas umano ang rider na si Leland Bernal, 36-anyos ng Quezon City, sa isang tricycle na nag-counter flow kaya sumemplang at nagulungan ng truck.
Posible umanong biglang napapreno ang biktima dahil sa tricycle bukod pa sa madulas umano ang kalsada dahil sa mga nalaglag na buhangin mula sa truck na dumaraan sa lugar.
Nabali ang paa ng biktima habang ang kanyang helmet ay wasak na.
Ayon sa driver ng truck na si Jonald Semenio ng Valenzuela City, nabigla siya sa pangyayari.
Kwento pa ni Semenio, naka U-turn na sila sa kahabaan ng northbound lane ng Mel Lopez Blvd mula sa pier at papunta sana ng Valenzuela para ibaba ang karga nilang kahoy.
Pagsapit aniya sa kanto ng Katuparan Street, dumausdos umano ang biktima at nawalan ng kontrol bago tuluyang bumagsak at bigla na lamang may narinig na maingay at malakas tunog.
Agad namang dinala sa Tondo Medical Center Hospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga operatiba ang tricycle na nag-counter flow. Jocelyn Tabangcura-Domenden