MANILA, Philippines – Sinabi ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na kayang tumagal at humarap sa scrutiny ng Supreme Court (SC) ang 2026 impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
“Rules-based, evidence-based ang bawat hakbang ng komite. Lahat ng ruling ay nakaangkla sa ebidensya at sa umiiral na batas,” sabi ni Ridon, miyembro ng House Committee on Justice.
“Kung dalhin sa SC, handa ang komite na ipagtanggol ang proseso nang maayos, patas, at naaayon sa Konstitusyon,” dagdag niya.
Itinuro niya na ang mga alegasyon laban kay Duterte ay hindi haka-haka kundi batay sa ebidensya, kabilang ang Commission on Audit (COA) reports, mga naunang pagdinig ng House Blue Ribbon Committee, at SALN ng VP.
Mula 2007 hanggang 2024, tinatayang P30–40 milyon lamang ang natanggap ni Duterte sa suweldo, samantalang ang kanyang net worth noong 2025 ay humigit-kumulang P88 milyon, na dapat ipaliwanag.
Tiniyak din ni Ridon na may subpoena ang komite sa business, tax, at professional records para suriin ang mga assets. Patunay ang COA findings na hindi puwede gamitin ang confidential funds sa non-confidential activities.
“Hindi ho ito haka-haka. These are official audit findings,” sabi niya.
Dagdag pa ni Ridon, mahigpit ang pagsunod sa due process sa buong proceedings at binigyan si Duterte ng pagkakataong magpaliwanag at magpresenta ng ebidensya sa bawat yugto. RNT/MND