MANILA, Philippines – Sinabi ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na ang pagpirma sa mga disbursement documents para sa confidential funds ay hindi simpleng ministerial act at hindi maaaring gamitin bilang depensa sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay sinabi ni Ridon sa House Committee on Justice noong Martes, Marso 3, kaugnay ng alegasyon sa umano’y pag-angkin at paggamit ng P500 milyon mula sa confidential funds ng Office of the Vice President para sa fiscal years 2022 at 2023.
“People actually go to jail for basically just signing disbursement documents,” ani Ridon.
Ayon sa mambabatas, ang Commission on Audit (COA) findings, kasama ang Audit Observation Memoranda (AOMs) at Notices of Disallowance (NDs), ay bahagi ng ebidensya sa impeachment complaint.
“Impeachment proceedings operate separately and independently of administrative proceedings of the COA,” dagdag niya, bilang tugon sa argumento ni Jesus Suntay na ministerial lamang ang pagpirma at maaaring i-apela ang COA findings.
Tinukoy din ni Ridon ang umano’y maling paggamit ng confidential funds sa mga aktibidad na labas sa legal na saklaw, kabilang ang team-building at pag-upa ng “safe houses.” Ayon sa tala ng kongreso, umabot sa P16 milyon ang ginastos, kabilang ang halos P500,000 sa loob ng 11 araw, o katumbas ng P1.36 milyon kada buwan. RNT/MND