Home METRO Pag-alis ng mining equipment sa Dupax del Norte, ipinangako ng mining firm

Pag-alis ng mining equipment sa Dupax del Norte, ipinangako ng mining firm

161
0

NUEVA VISCAYA, Philippines – Pumayag ang Woggle Corporation na alisin ang kanilang kagamitan sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya sa loob ng tatlong araw matapos tutulan ng mga lokal na opisyal at mamamayan ang pagmimina sa kanilang bayan. Nangako rin ang kumpanya na ire-rehabilitate ang lugar sa loob ng isang buwan.

Sa Senate Committee on Local Government hearing noong Martes, iminungkahi ni Senator Jinggoy Estrada na tanggalin muna ang mining equipment upang matigil ang agam-agam ng publiko at ire-rehabilitate ang lugar sa susunod na buwan.

“Ang importante lang siguro tanggalin niyo na muna lahat yung mga equipments niyo doon para wala na silang agam-agam na itutuloy ninyo yung exploration activities ninyo. Okay ba yun? Tapos isang buwan ninyong ire-rehabilitate. Okay na yun. Tama?” ani Estrada.

Pumayag si Woggle President Tommy Alfonso at sinabi na mabilis lang ang pag-pull out ng kagamitan ngunit matagal ang rehabilitation at pagtatanim ng mga halaman.

Ayon kay Estrada, nasa Mines and Geosciences Bureau kung permanenteng kakanselahin ang mining permit ng Woggle.

Bago ang kasunduan, iginiit ng lokal na opisyal at environmental advocates na hindi sila nakonsulta bago nagsimula ang operasyon ng Woggle.

“We deny po na nagkaroon ng public consultation sa barangay Oyao,” sabi ni Junior Taliga, Barangay Captain ng Oyao.

Sinabi naman ng President ng Dupax del Norte Environmental Defenders/Anti-Dupax Mining Advocate Florentino Daynos II: “The truth is you never followed, obeyed due process. Wala talagang consultation kaya kami nagbabarikada.”

Pumabor din sa pagtigil ng pagmimina ang dating gobernador ng Nueva Vizcaya na si Ruth Padilla.

“Ano po ba ang kapalit? Destruction ng aming mga bundok, destruction po ng aming mga lupain na ang apektado po ay ang aming mga kababayan, lalo na po ang mga farmers,” ani Padilla.

Iginiit naman ni Alfonso na sumunod sila sa mga patakaran at isinagawa ang ilang presentasyon sa barangay at Sangguniang Bayan bilang porma ng consultation. Inamin niya na hindi nila nakonsulta ang publiko kundi ang mga barangay officials lamang.

Ipinahayag rin ng kumpanya na kakailanganin nilang dalhin ang ore samples para sa pagsusuri ng Department of Environment and Natural Resources, na pinayagan ng kabilang panig. Babantayan naman ng mga environmental defenders ang mga samples.

Pinayuhan ni Estrada ang mga opisyal ng bayan na ipagbigay-alam agad sa kanya kung ibabalik ng Woggle ang kanilang kagamitan.

“Kapag binalik yung equipment nila sabihin niyo kaagad sa akin, ako na pupunta roon ha. Kami ni Senator Robin (Padilla) pupunta roon,” ani Estrada. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here