MANILA, Philippines – Bilang proteksyon sa mga motorista laban sa mga siga siga sa daan, isang panukalang batas ang inihain ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep Sandro Marcos kung saan gagawin nang criminal offense at papatawan ng mabigat na parusa ang road rage.
Layon ng House Bill (HB) No. 8190 o “Anti Road Rage Act,” na matukoy ang pagkakaiba ng ordinaryong traffic violation at ang aksyon na naglalagay sa panganib sa isang indibiwal.
“We cannot allow road rages to continue on our roads, because one reckless decision can turn into a lifelong tragedy for an innocent family,” pahayag ni Marcos.
Ipinaliwanag ni Marcos na dapat magkaroon ng malinaw na depinisyon ang road rage at hindi lamang simpleng galit o away dulot ng trapiko, kapag ito ay maglalagay sa panganib sa sinuman ay dapat itong mapanagot.
“Under HB 8190, road rage is defined as any intentional and aggressive act committed by a driver or occupant arising from a traffic-related incident, carried out to intimidate, threaten, harass, retaliate against, or cause harm to another road user, and creating a clear and present danger to life, limb or property” nakasaad sa panukala.
“The definition matters because it gives enforcers and prosecutors a clearer tool to address patterns that often escalate, including cases involving pursuit, obstruction, and threats of violence that begin with a traffic dispute and end in injury or death,” ani Marcos.
Kung walang pinsala o namatay sa insidente, papatawan ng 6 na buwan hanggang isang taon na kulong at multa na P20,000 hanggang P100,000 subalit kung mayroong naperwisyo ay dalawang taon na kulong hanggang 4 na taon at multa na P100,000 hanggang P200,000.
Kung ang road rage ay nagresulta sa serious physical injuries o pagkamatay, ang parusa sa Revised Penal Code ang ipapataw bukod pa sa multa na 200,000 hanggang P500,000.
Mas mabigat na parusa pa ang ipapataw kung ang sangkot sa road rage ay gumamit ng mga deadly weapon at uniformed personnel, ang mga biktima ay mga bata, buntis, senior citizens, o mga persons with disability.
Ang sangkot sa road rage ay sasailalim din sa anger management training sa koordinasyon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police (PNP).
Nakapaloob din sa panukala na agad babawiin ang drivers license at lisensya ng baril.
Sa oras na maisabatas ang PNP, MMDA, Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Justice (DOJ) ang syang may mandato na bumalangkas ng implementing rules and regulations. Gail Mendoza