MANILA, Philippines – Pansamantalang sinuspinde ngayong linggo ang pagkukumpuni ng kalsada sa Maharlika Highway sa Quezon Province upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko dahil sa inaasahang pagdami ng mga biyahero ngayong Semana Santa.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon nitong Miyerkules, Abril 1, kahit malapit nang matapos ang ilang konstruksyon ay kinakailangan munang itigil ito pansamantala.
Paliwanag ni Dizon, sa ganitong panahon na maraming sasakyan ang daraan sa ruta ay hindi puwedeng magdulot ito ng trapiko.
Sinabi rin ni Dizon na maayos ang daloy ng trapiko sa lugar sa ngayon pero kung sakaling magkaroon ng pagsisikip, hinihikayat niya ang publiko na ipagbigay-alam ito agad para agad maagapan.
Dagdag pa ng kalihim, wala rin umanong ipinatutupad na stop-and-go scheme, kung saan ang mga sasakyan sa northbound at southbound lanes ay salitan sa paggamit ng isang lane.
Sa kanyang inspeksyon sa Quezon-Bicol segment ng Maharlika Highway, nabanggit ni Dizon ang kanyang karanasan sa magulong biyahe sa bus.
Hinikayat din niya ang publiko na alisin ang mga sagabal sa mga pangunahing kalsada, lalo na sa mga pambansang highway. Jocelyn Tabangcura-Domenden