Manila, Philippines – Sa isang panayam, nilinaw ni Robi Domingo na in good terms sila ng ex na si Gretchen Ho.
Kadalasan, nagkakasama raw sila sa pagho-host ng mga event ng nasabing journalist at dating volleyball player.
Katunayan, ang kapatid daw ni Gretchen ang siyang tumatayong pediatrician ng kanyang anak.
Hirit pa niya, hindi raw naman ang misis niyang si Maiqui Pineda ang tipong ‘jealous type.’
Dagdag pa niya, ito nga raw ang nag-e-encourage sa kanya na tanggapin ang offer na makipagtrabaho sa ex kung may oportunidad.
Para sa kanya, ang namagitan sa kanila ng ex-girlfriend ay bahagi na lang ng mga magagandang alaala.
Sa panayam, inurirat ni Boy Abunda sa Fast Talk kung ano ang ginagawa niya kapag may mga babaeng nagpi-flirt o umaaligid sa kanya.
Paliwanag ni Robi, ang una raw niyang iniisip ay ang anak nila ni Maiqui kaya dedma na lang siya sa mga naglalandi sa kanya.
Nang tanungin naman kung nakatanggap na siya ng indecent proposal from gays, never pa raw itong nangyari sa kanya.
Pagdating daw naman sa mga high-end o branded items na natatanggap niya, legitimate gifts daw ito mula sa company bosses ng brands na kanyang ini-endorse.
Natawa naman siya nang usisain kung open ba siya sa pagkakaroon ng ‘sexy movie with kissing scenes’ with his ex like Gretchen.
Bulalas pa ni Robi, bukod sa hindi raw siya nahasa na maging aktor, hindi raw niya madalas na nakakausap si Gretchen.
Dagdag pa niya, siyempre, may limitasyon na rin ang lahat lalo pa’t isa na siyang padre de pamilya.
Deklara pa niya, maganda raw naman ang naging paghihiwalay nila ni Gretchen noon kaya nananatili ang respeto nila sa isa’t isa.
Si Robi ay nagbabalik bilang isa sa mga host ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab 3.0 edition na napapanood na.