MANILA, Philippines – Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay sa mga online gaming platform kasunod ng ulat ng posibleng child exploitation na iniuugnay sa popular na larong Roblox.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., nag-utos na siya ng mas mahigpit na intelligence monitoring sa cyberspace, lalo na sa mga platform na maraming batang gumagamit, dahil umano sa paggamit ng ilang indibidwal sa mga interactive features nito upang manghikayat at mang-abuso ng mga menor de edad.
“Our mandate of serving and protecting the people now encompasses the cyberspace to keep them safe especially for children. This is what modern policing also means and your PNP has been keeping up,” aniya.
Inatasan na rin ang Anti-Cybercrime Group na palawakin ang pagbabantay hindi lamang sa Roblox kundi pati sa iba pang online applications upang maiwasan ang paggamit ng mga ito sa kriminal na aktibidad. Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) upang imbestigahan ang lawak ng umano’y ilegal na gawain sa platform.
“The PNP is coordinating with other agencies, such as the DICT and the CICC, to investigate the extent to which Roblox may be used for possible crimes, including sexual predation, grooming, and exploitation of minors,” dagdag ni Nartatez.
Binigyang-diin din niya ang matibay na paninindigan ng pulisya laban sa online exploitation. “We will not allow our children to be exposed and exploited in this kind of online environment,” aniya.
Samantala, binigyan umano ng CICC ang Roblox hanggang katapusan ng buwan upang magpaliwanag sa mga hakbang nito para matiyak ang kaligtasan ng mga batang gumagamit. Nilinaw ng PNP na hindi lamang Roblox ang kanilang binabantayan kundi pati iba pang online gaming at social platforms. Santi Celario