Home NATIONWIDE Romualdez umaasa, economic Cha-cha ikokonsidera ng Senado

Romualdez umaasa, economic Cha-cha ikokonsidera ng Senado

MANILA, Philippines – Umaasa si House Speaker Martin Romualdez na uusad na ang panukalang amendments sa economic provisions ng 1987 Constitution sa bagong liderato ng Senado.

Ani Romualdez, kung anuman ang makabubuti sa publiko ay tiyak na ikokonsidera ng Mataas na Kapulungan sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Francis Escudero.

“The economic amendments to the Constitution, we will leave that up to our friends in the Senate, dun pa naka-pending,” pagbabahagi ni Romualdez.

“Sa akin naman basta kung anong makakabuti sa taong-bayan, we feel that economic reforms and amendments can do that, I’m sure that the Senate will consider it.”

Ang Resolution of Both Houses 7 – na naglalayong alisin ang 40% ownership limit para sa public utilities, education, at advertising firms sa ilalim ng Konstitusyon ay aprubado na sa huling pagbasa sa Kamara.

Nananatili namang nasa committee level ito ng Senado.

Matatandaan na matindi ang pagpapahayag ni Escudero ng kanyang pagtutol sa Charter change, ngunit sinabi niya nitong Lunes na ang plano para rito ay pag-uusapan ng majority bloc.

Sinabi rin ng bagong Senate President na ang scheduled committee hearings sa economic Cha-cha ay hindi na itutuloy matapos ang pagbibitiw ni Senador Sonny Angara bilang chairperson ng Senate subcommittee on constitutional amendments and revision of codes.

Samantala, umaasa rin si House Majority Leader Zamboanga City Rep. Manuel Dalipe na ang economic Cha-cha ay aarangkada sa Senado sa kabila ng pagtutol ni Escudero rito. RNT/JGC