Home HOME BANNER STORY Roque binanatan ng Palasyo: PCO mensahero, ‘di salesman ng Pangulo

Roque binanatan ng Palasyo: PCO mensahero, ‘di salesman ng Pangulo

(Cesar Morales | Remate File Photo)

MANILA, Philippines – PINALAGAN ng Malakanyang ang kamakailan lamang na sinabi ni dating presidential spokesperson Harry Roque na ang kanilang papel ay hindi para ibenta ang Pangulo o ang administrasyon kundi ang umakto bilang mensahero sa publiko.

Ang makasama aniya sa Presidential Communications Office (PCO) ay nangangahulugan na maging isang mensahero ng gobyerno sa publiko.

Ang pahayag ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro Castro ay tugon nang tanungin at hingan ng komento sa naging pahayag ni Roque na ang pagtrabaho sa PCO ay katulad ng pagiging isang ‘salesman’ para sa Pangulo at sa administrasyon.

Si Roque, nagsilbi noon bilang tagapagsalita sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay nagpahayag na mahirap i-promote ang isang produkto, o sa pagkakataong ito, ang isang Pangulo, kung ito’y masama o may depekto.

Sa kanyang naging pahayag, binigyang diin ni Castro na ang papel ng PCO ay ipabatid sa publiko ang tungkol sa mga inisyatiba ng gobyerno.

“Hindi po kami salesman dito. Kami po ay messenger,” ayon kay Castro.

“Ang salesman po kasi ay kailangan na maganda ang bokadura mo; kailangan na ibenta kahit na minsan ay hindi totoo iyong mga sinasabi mo para lang mabenta ang isang tao o isang produkto,” aniya pa rin.

“Hindi po kami nagbibenta ng pangulo o ng gobyerno. Pinapakita lamang po namin at inilalahad namin kung ano ang maaaring makuha ng taumbayan sa ating gobyerno, kung anong puwedeng itulong ng ating gobyerno sa taumbayan,” ayon pa rin kay Castro.

Tila pinasaringan naman ni Castro si dating Pangulong Digong na kilala sa kanyang pagiging ‘rhetorics at tough-talking persona’ sabay sabing mahirap na i-promote ang isang tao na kilala rin sa kanyang mga pagbibiro o jokes.

“Naniniwala po talaga kami na mahirap ibenta ang bulok o masamang produkto,” ang sinabi ni Castro.

“Mahirap po talagang ibenta kapag ang ibinibenta mo ay kailangan mo pang linisin ang mga sinasabi. Mahirap ibenta ang mga tao na ang laging nababanggit ay joke lamang iyan,” aniya pa rin. Kris Jose