MANILA, Philippines – Pagsisikapan ng Criminal Investigation and Detection Group tracker teams na mahanap ang 50 indibidwal na sakop ng arrest warrant na inisyu ng korte sa Angeles City, Pampanga dahil sa human trafficking case na may kinalaman sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa probinsya.
Matatandaan na ipinag-utos ni Angeles City Regional Trial Court Branch 118 Judge Rene Reyes noong Mayo 8 ang pag-aresto kay dating Duterte spokesperson Harry Roque at Cassandra Ong — na mga umano’y representative ng POGO hub Lucky South 99 sa Porac, Pampanga, at iba pa, para sa non-bailable violations sa ilalim ng Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.
Itinanggi naman ni Roque ang alegasyon at sinabing siya ay naiipit sa ilalim ng isang political persecution ng Marcos administration.
“Nag-create na po ng tracker teams para sa buong Pilipinas, para arestuhin ang mga accused po na 50 katao po,” pahayag ni Police Col. Randulf Tuaño, Philippine National Police Public Information Office chief, sa media briefing nitong Biyernes, Mayo 16.
Ani Tuaño, makikipagtulungan ang CIDG sa Bureau of Immigration para mahanap si Ong, na pinakawalan mula sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City kasunod ng pagtatapos ng Kamara sa imbestigayon sa illegal POGOs noong Disyembre 2024.
Pinaniniwalaang nakaalis na ng bansa si Ong.
Ikinokonsidera rin ng CIDG ang pakikipag-ugnayan sa Interpol para mahanap si Roque, na ngayon ay nanghihingi ng asylum sa The Netherlands. RNT/JGC