Home HOME BANNER STORY Roque inginusong nasa likod ng ‘polvoron’ video

Roque inginusong nasa likod ng ‘polvoron’ video

MANILA, Philippines- Iniugnay ng vlogger na si Vicente Bencalo “Pebbles” Cunanan si dating presidential spokesman Harry Roque sa pagkalat ng video na pinalalabas na gumagamit umano ng droga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang pabagsakin umano ang kanyang administrasyon.

Sa pagdinig ng House TriComm sa pagkalat ng fake news online, inihayag ni Cunanan na sinabi sa kanya ni Roque ang tungkol sa isang screenshot mula sa video noong July 7, 2024 nang magtipon ang mga taga-suporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang rally sa Hong Kong.

Inihayag ng National Bureau of Investigation noong July 23, 2024 na lumabas sa forensic analysis na ang lalaking gumagamit ng droga sa tinawag na ‘polvoron’ video ay hindi si Marcos.

“Ayon sa aking rekoleksyon, mayroon pa ngang naging usapan na isang foreign influencer or vlogger ang dapat mag post o panggalingan ng video para magmukhang mas kapani-paniwala at upang maiwasan ang anumang posibleng pananagutan mula sa gobyerno ng ating bansa,” wika ni Cunanan.

Ani Cunanan, noong July 22, 2024, ang araw ng State of the Nation Address ni Marcos, nagpadala sa kanya ng mensahe si Roque upang sabihing ang video ay may raw version at isa pa na enhanced na.

“Sa enhanced version na ipinadala sa akin, sa aking pagkakaintindi ay in-edit at in-augment ang video upang magmukhang si Pangulong BBM mismo ang nasa eksena,” paglalahad ni Cunanan.

“Dahil dito, lalong tumibay ang aking paniniwala na ang video ay sinadyang ipakalat ni Attorney Roque at ilang DDS personalities upang magdulot ng batikos at kontrobersya laban kay PBBM bago ang kanyang SONA,” patuloy niya.

“Ang labis ko ring natandaan noong gabing iyon ay nang sabihin ni Atty. Roque na, ‘Magaling ako magpabagsak ng gobyerno’,” ayon pa kay Cunanan.

“Kung kaya naman, base sa aking mga nabanggit, ako ay naniniwalang si Atty. Roque ang orihinal na pinagmulan ng polvoron video at ang siyang nagpakalat nito sa publiko pang sirain ang kredibilidad ng Pangulo,” dagdag niya.

Tumugon naman si Roque sa mga alegasyon, kung saan sinabi niya kay Cunanan na mayroon siyang source na may access sa polvoron video subalit nanindigang hindi niya kayang pabagsakin ang Marcos government.

“Nakakatawa naman ‘yan. Wala naman ako kahit isang baril. Wala rin akong sinabing gumamit tayo ng dahas,” sabi ni Roque.

“Either nagsisinungaling siya (Cunanan) o wala talaga siyang alam,” dagdag ni Roque.

“Nalungkot ako, siguro talagang matindi ang pangangailangan dahil ang inaasahan lang niya ay online selling,” aniya pa.

“Realidad ‘yan ng buhay na kailangan mabuhay. Naaawa rin ako sa kanya.” RNT/SA