Home NATIONWIDE OCD naghahanda sakaling iakyat ang alert status sa Bulkang Kanlaon

OCD naghahanda sakaling iakyat ang alert status sa Bulkang Kanlaon

MANILA, Philippines- Nasa gitna ng paghahanda ang Office of Civil Defense sakaling iakyat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang alert status ng bulkang Kanlaon mula sa kasalukuyang Level 3 sa Level 4, matapos ang pagputok ng bulkan nitong Martes.

“Sa kasalukuyan, may higit 2,000 pamilya tayong tinutulungan through the efforts of the DSWD and the local government units na nandoon sa evacuation centers natin. This would translate to more than 6,000 individuals,” pahayag ni Undersecretary Ariel Nepomuceno.

“‘Pag inangat sa Level 4, sa ngayon hanggang six kilometers ang bawal ‘yung mga nakatira. ‘Pag naging level 4, hanggang 10 kilometers. Ang translation niyan, madaragdagan tayo ng more than 90,000 na kinakailangan ilikas mula sa mga komunidad,” dagdag ng opisyal.

Pumutok ang bulkang Kanlaon sa Negros Island ng alas-5:51 ng umaga ng Martes, base sa PHIVOLCS. Natapos ito ng alas-6:47 ng umaga.

Naiulat naman ang ashfall sa ilang lugar sa Negros Occidental kasunod ng explosive eruption. Kabilang sa mga apektadong lugar ang Barangay Sag-Ang sa La Castellana; Barangays Yubo at Ara-al sa La Carlota; maging sa Bago City.

Tiniyak ng Malacañang na magbibigay ng tulong sa mga apektado ng pagputok ng bulkang Kanlaon. RNT/SA