Home NATIONWIDE Russian vlogger: Public interest o personal agenda?

Russian vlogger: Public interest o personal agenda?

144
0
Iniharap sa mga media ni DILG Sec. Jonvic Remulla ang Russian-American content creator na si Vitaly Zdorovetskiy na nambastos ng ilang Filipino at ginawa pa nitong content habang bumibisita sa bansa.Nilinaw ni Sec. Remulla na hindi basta ipapadeport ng pamahalaan ang vlogger na idineklara nang ‘undesirable alien’ at nasa ilalim ng ‘restrictive custody’ ng Bureau of Immigration.Patong-patong na kaso ang kakaharapin ng vlogger sa bansa. Habang nasa harap ng media ay patuloy ang ginagawa nitong pang-iinis at pang-aasar sa harap mismo ni DILG Sec. Remulla. VAL LEONARDO

Muling umingay sa social media ang isang Russian vlogger na si Vitali Zdorovetskiy na kamakailan lamang ay pinadeport ng Bureau of Immigration (BI) matapos ideklara ng ‘undesirable alien” dahil sa kanyang mapanira at bastos na content sa kanyang pagba-vlog sa mga Pilipino.

Ang naging hakbang ay mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nag-utos na papanagutin ang dayuhan upang magsilbing halimbawa na hindi dapat kinukunsinti ang ganitong uri ng asal, lalo na mula sa mga banyagang bisita.

Sa halip na magpakita ng pagsisisi, ginamit niya ang karanasan sa Pilipinas bilang content na tila pabor lamang sa kanyang panig.

Sa ganitong kalagayan, makatuwirang kuwestiyunin ang kredibilidad at layunin ng kanyang mga salaysay.

Ayon sa kanyang ina, na si Elena, lumilitaw na malaki ang naging epekto ng pagkakadetine ng vlogger sa kanilang kabuhayan. Bilang isang single mother, inamin ni Elena na matagal na nilang pinagkukunan ng ikinabubuhay ang vlogging, at pansamantalang natigil ang daloy ng kita nang mawalan ng kakayahan si Vitaly na maglabas ng content.

Ang impormasyong ito ay mahalagang isaalang-alang sa pagsusuri ng kanyang mga pahayag. Sa larangan ng media, malinaw na ang ganitong sitwasyon ay maaaring magsilbing motibasyon upang lumikha ng mga naratibong may layuning muling makuha ang simpatiya ng publiko at maibalik ang nawalang online engagement.

Kapansin-pansin din ang tono ng kanyang mga post—madalas ay mapanira, mapanlait, at kulang sa paggalang sa bansang minsang tumanggap sa kanya.

Ang ganitong uri ng diskurso ay hindi maituturing na responsableng pamamahayag o makatotohanang pagbibigay-impormasyon, kundi isang anyo ng self-serving content na nakatuon sa publicity at social media mileage.

Dahil dito nananatiling mahalagang tanong kung ang mga inilalabas na pahayag ng Russian vlogger ay tunay na nagsisilbi sa interes ng publiko—o kung ito ay bahagi lamang ng isang estratehiya upang manatiling relevant at kumita muli, kahit pa ang kapalit nito ay ang patuloy na paninira sa Pilipinas at sa mga institusyong minsang nagpakita sa kanya ng maayos na pagtrato.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here