INIULAT ng Bureau of Customs (BOC) na sinampahan na ng kaso ang South African national na nahulihan ng P42.1 milyong halaga ng shabu sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa isang pahayag, sinabi ng BOC-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) na ang mga kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) ay isinampa laban sa 31-taong gulang na si Phillip Theunissen sa harap ng Pasay City Prosecutor’s Office noong Okt. 13.
Partikular na kinasuhan ang dayuhan ng paglabag sa Article II ng RA 9165 para sa importasyon ng mga mapanganib na droga at Section 1401 (unlawful importation) ng CMTA.
Matatandaan na inaresto ng pinagsanib na pwersa mula sa BOC, Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police Drug Enforcement Group ang dayuhan sa NAIA Terminal 3 dakong alas-9:20 ng gabi. noong Oktubre 12.
Nahulihan umano ang nasabing dayuhan ng 6.2 kg. ng shabu sa isang transparent plastic pouch na nakabalot ng itim na duct tape at packaging tape na nakita sa loob ng kanyang itim na bagahe.
Nasa kustodiya na ngayon ng PDEA sa Quezon City ang dayuhan.
Ang nasamsam na pinaghihinalaang ebidensya ng droga ay inimbentaryo, minarkahan, nakuhanan ng larawan at isinumite sa Laboratory Service ng ahensya para sa pagsusuri. Jay Reyes