Home NATIONWIDE Sa ika-7 anibersaryo, mas matatag na BARMM panawagan ni PBBM

Sa ika-7 anibersaryo, mas matatag na BARMM panawagan ni PBBM

181
0

MANILA, Philippines – BINIGYANG-DIIN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang patuloy na suporta ng pambansang pamahalaan habang hinimok niya ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na higit pang paigtingin ang kaunlarang pang-ekonomiya at pagbutihin ang kalidad ng pamumuhay ng mamamayan.

Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng pagdiriwang ng ika-7 Founding Anniversary ng BARMM na ginanap sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex sa Cotabato City, sinabi ni Pangulong Marcos na bagama’t may mahahalagang pag-unlad nang nagawa, marami pa ring dapat gawin.

Tinawag ng Pangulo ang pagtatag ng BARMM na isang milestone sa paghahangad ng bansa na makamit ang pangmatagalang kapayapaan at pagkakaisa.

Ayon sa Pangulo, sa nakalipas na pitong taon ay nakitaan ang rehiyon ng pag-unlad, paglakas ng mga institusyon, at mas malalim na ugnayan sa pagitan ng pambansang pamahalaan at ng Bangsamoro.

“Mga kababayan, malayo na ang ating narating. Ngunit marami pa tayong kailangang gawin. Ang kapayapaan ay mahalagang pundasyon, ngunit tungkulin nating gamitin ito upang mas mapaunlad pa ang ating rehiyon,” diin ni Pangulong Marcos.

“Palaguin pa natin ang kabuhayan at oportunidad sa BARMM. I-angat natin ang antas ng pamumuhay ng bawat pamilya rito. At lagi nating unahin ang kapakanan ng bawat mamamayan,” dagdag na winika ng Pangulo.

Tiniyak ni Pangulong Marcos sa mga mamamayan ng BARMM ang patuloy na paninindigan ng pambansang pamahalaan na suportahan ang rehiyon sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan at inklusibong kaunlaran.

“Sa mga hamong kaakibat ng mga layuning ito, asahan ninyo na ang pambansang pamahalaan ay handang makinig at umalalay sa inyo,” ang pahayag ng Pangulo.

Kinikilala ang Enero 21 bilang Bangsamoro Foundation Day bilang pag-alaala sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law sa pamamagitan ng 2019 plebiscite—isang makasaysayang pangyayari na pormal na nagtatag ng BARMM.

“Ito ay isang mahalagang yugto sa ating kasaysayan at sa ating pakikibaka upang makamit ang tunay na pagkakaisa. Patunay ito na ang kapayapaan ay bunga ng sakripisyo, dayalogo, at matibay na paniniwala na ang pagkakaisa ang susi sa pangmatagalang kapayapaan,” diin ng Pangulo.

Ayon sa Punong Ehekutibo, ang pagtatag ng BARMM ay isang patunay sa layunin ng gobyerno, iba’t ibang sektor ng lipunan, mga Bangsamoro, at mga katuwang sa international community na makamit ang kapayapaan, pagkakaisa, at pag-unlad.

“Ipinapakita nito na mas nagiging makabuluhan ang ating paglilingkod sa sambayanan kung ito ay isinasagawa sa diwa ng pagtutulungan at pagkakaisa,” ang sinabi pa ng Pangulo.

Ang tema ng selebrasyon ngayong taon ay “BARMM 2026: Simbolo ng Pagkakaisa, Pag-alaala sa mga Sakripisyo, at Pagpapatuloy ng Mas Matatag na Bangsamoro.” (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here