MANILA, Philippines – Umaasa ang Light Rail Transit Authority (LRTA) na makakuha ng mas maraming pondo para sa rehabilitasyon ng LRT-2 matapos ang magkakasunod na pagkaantala sa serbisyo nito.
Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni LRTA administrator Atty. Hernando Cabrera na mula Enero hanggang Setyembre 20, 2024, nakapagtala ito ng walong insidente ng pagkaantala sa operasyon ng tren.
Kabilang dito ang force majeure events, late opening, early closing, at “provisional services.”
Noong Agosto 19, matatandaan na kinailangang magpatupad ng provisional services ang LRT-2 dahil sa technical problems.
Setyembre 11 at 12 naman ay magkasunod na ipinatupad ang limitadong operasyon mula Antipolo Station patungong V. Mapa Station at pabalik dahil sa power supply problem sa rectifier nito sa Recto Station.
Tinamaan naman ng kidlat ang catenary wire noong Setyembre 16 sa Gilmore Station na nagresulta sa delay ng pagpasok ng mga pasahero sa mga istasyon nito.
Sa kabila nito, ikinumpara ni Cabrera na mas kakaunti pa rin ang insidente ngayong taon kumpara sa mga nagdaang taon. RNT/JGC