Home NATIONWIDE Sa pagkawala ng tiwala ng publiko, Bam nanawagan sa Senado: ‘Buckle down...

Sa pagkawala ng tiwala ng publiko, Bam nanawagan sa Senado: ‘Buckle down to work’

96
0

MANILA, Philippines – Binigyang diin ni Senator Bam Aquino ang pangangailangan na bumalik sa trabaho at tutukan ang mga mahahalagang isyung kinahaharap ng bansa at ng mga Pilipino upang maibalik ang tiwala ng publiko sa Senado.

Ayon kay Aquino, ang mga pangyayari kamakailan sa Senado, kabilang ang pagpapalit ng liderato at ang insidente ng pamamaril, ay nagbigay ng negatibong impresyon sa institusyon sa mata ng publiko.

Una nang naghain si Aquino ng Senate Resolution No. 397 na layong imbestigahan ang insidente ng pamamaril sa loob ng Senado.

“Sa gitna ng mga kaguluhan, naghihirap pa rin ang taumbayan sa mataas na presyo ng gasolina at bilihin, hindi pa rin tumataas ang suweldo, at bagsak pa rin ang ating ekonomiya,” punto ni Aquino.

“Ang tanging paraan para maibalik ang tiwala ng taumbayan ay gawin namin ang aming trabaho para matugunan ang kawalan ng trabaho, mahal na halaga ng bilihin, at iba pang pasanin ng ating mga kababayan,,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Aquino na dapat tutukan ng Senado ang mga panukalang mag-aalis ng value-added tax sa gasolina at magbababa ng VAT mula 12 percent tungo sa 10 percent bilang paraan upang mapababa ang presyo ng mga bilihin at produktong petrolyo.

Isinumite niya ang Senate Bill No. 2047 na layong ibaba ang VAT sa mga produkto at serbisyo, kabilang ang produktong petrolyo, na aniya ay maaaring magbigay ng medium- at long-term na solusyon upang protektahan ang middle class mula sa epekto ng krisis sa Middle East at iba pang susunod na krisis.

Isinumite rin niya ang Senate Bill No. 265 na naglalayong tanggalin ang excise tax sa diesel, kerosene, liquefied petroleum gas (LPG), fuel oil, at unleaded gasoline sa ilalim ng TRAIN Law.

Samantala, nagpahayag si Aquino ang kanyang suporta kay Senator Loren Legarda sa pag-upo nito bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education, na dati niyang pinamunuan noong siya ay nasa mayorya pa.

“She’s (Legarda) been working in the education space for a long time and she asked me to be vice chairman. I told her our office will turn over all the research, all the studies, all the bills that we’ve prepared, and I hope that she will continue what we started,” wika niya.

Ipinahayag din ni Aquino ang pag-asa na ipaglalaban ni Legarda ang pagpapalakas ng budget para sa sektor, gaya ng kanyang pagsusulong sa historic P1.34 trillion fund sa 2026 national budget.

“Dapat madagdagan pa ang budget ng edukasyon sa susunod na taon,” wika niya, kasabay ng paggiit na ang mga reporma sa edukasyon ay dapat sapat na pondohan upang maisakatuparan at maging epektibo.

Sa kanyang termino bilang chairperson ng Basic Education Committee, pinangunahan ni Aquino ang pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Class-Building Acceleration Program (CAP) Act bilang tugon sa 166,000-classroom backlog ng bansa.

Pinapayagan ng panukala ang mga local government units (LGUs) at non-government organizations (NGOs) na may napatunayang kakayahan na magtayo ng mga silid-aralan sa kanilang mga lugar, alinsunod sa pamantayan at alituntunin ng Department of Education.

Sa ilalim din ng kanyang pamumuno, ang mga panukalang Establishing Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) and Last Mile Schools Act at Curriculum Flexibility Act na kanyang ini-sponsor ay naghihintay na lamang ng pirma ng Pangulo.

Bukod sa CAP Act, pinangunahan din ni Aquino ang pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Basic Education Voucher Program Act, at nakatakda rin sanang i-sponsor ang National Nutrition Program Act.  Ernie Reyes 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here