Home OPINION SABI NG MGA PUSHER, MALAKAS SILA SA MGA PULIS

SABI NG MGA PUSHER, MALAKAS SILA SA MGA PULIS

NAKALULUNGKOT na masaksihan ang lantarang bentahan ng
droga sa Navotas City kung saan ay parang nag-aabutan lang ng
kendi ang pusher at ang buyer.

Ang isang pedicab driver, na batid naman nating maliit lang kita
sa maghapong pagpadyak, ay nagagawang bumili ng droga kahit
pa may sakay na pasahero sa kanyang minamanehong padyak.

Ang pasahero ay dedma lang sa kanyang nasaksihan sapagkat
ayaw ring madamay sa gulo o kaya naman kaya tahimik lang
siya ay suki rin siya ng pusher ng droga o shabu sa kahabaan ng
Bangus St. malapit sa Gurami St. na ilang hakbang lang sa
National Housing Authority.

May pangyayari pa na isang pedicab driver pa rin ang nag-abot
ng nakabalot na shabu sa dalawang adik sa mismong lugar pa rin
at pagkakitang ibinulsa ang natanggap na shabu mula sa kanya
ay saka lang ito tumalikod at muling sumakay sa kanyang dapat
na kabuhayan subalit raket na lang ito ay pagtutulak na ang
ginawang hanap-buhay.

Sa madilim na bahagi ng Gurami St., nag-uusap-usap ang ilang
tambay kasama ang ilang adik at nabanggit ng isa na hindi sila
kayang hulihin ng mga pulis ng Navotas Police Station ay dahil
protektado raw sila ng mga ito.

Talaga lang? Aba’y kung protektado sila ng mga pulis ng
Navotas, dapat ay hindi sila naman makalusot sa mga pulis na
nakatalaga sa Northern Police district.

Eh kung parehong nagbibigay proteksyon sa mga pusher ang
Navotas Police at Northern Police District, sino ang dapat
tawagan ng mga residente ng Navotas upang humingi ng tulong
upang masugpo ang bentahan at paggamit ng shabu sa kanilang
lugar?

Ayaw ng mga matitinong residente sa kahabaan ng Bangus St.
na maging magulo ang kanilang lugar at mas lalong ayaw nilang
matuto o malulong sa bisyo ang kanilang mga anak kung kaya’t
nananawagan sa kinauukulan na magsagawa sana ng surprise
raid o kaya ay operasyon laban sa droga sa kanilang lugar.

Kaya naman, ipinaabot nila sa Philippine National Police –
National Capital Regional Police office lalo na sa director na si
PBGen Jose Melencio Nartatez ang kanilang pagnanais na
masugpo ang droga sa kanilang lugar.

Naniniwala ang mga taga-Navotas na hindi sila pababayaan ng
hepe ng NCRPO.