SA panahon ng mabilis na daloy ng impormasyon, mahalaga ang papel ng mga mamamahayag sa paghahatid ng balita sa publiko. Ngunit sa likod nito ay ang panganib na kinakaharap nila mula sa pag-cover ng sakuna, krimen, hanggang sa mga lugar na may tensyon at kaguluhan. Dahil dito, hindi dapat isantabi ang kahalagahan ng safety and health para sa mga kapatid nating nahaharap sa mga panganib.
Ang isang media practitioner ay hindi lamang tagapagbalita, siya rin ay isang frontliner. Kumbaga sa giyera, para siyang sundalong sumusugod sa lugar ng sunog, baha, lindol, o kahit sa gitna ng protesta. Dahil dito nalalagay ang kanyang sarili sa alanganin. Kung walang sapat na kaalaman sa safety protocols at tamang protective equipment, malaki ang tiyansa na siya ay maaksidente o magkasakit. Pero dahil nasa dugo at puso niya ang tungkulin at adbokasyang maghatid ng katotohanan sa publiko, ang kaligtasan at kalusugan ay patuloy na nababalewala.
Mahalaga rin ang kalusugang pangkaisipan. Ang paulit-ulit na exposure sa trahedya, karahasan, at negatibong balita ay maaaring magdulot ng stress, anxiety, at trauma. Normal namang itong nangyayari, pero may kasabihang “ang lahat ng sobra ay nakasasama.” Kung hindi ito mabibigyan ng sapat na atensyon, maaaring makaapekto ito sa kalidad ng kanilang trabaho at sa kanilang personal na buhay. Ang pagkakaroon ng support system, counseling, at sapat na pahinga ay kasing halaga ng pisikal na proteksyon.
Bilang isang OSH consultant at opisyales ng National Press Club, lagi nating iniisip, isinasagawa at tinitiyak ang kaligtasan ng mga miyembro sa kabila ng iba pang responsibilidad. Sa bawat programa ng NPC, naglalaan tayo ng panahon sa patuloy na pagbibigay ng impormasyon at ambag na safety guidelines. Kapag nadagdagan pa ang ating resources, palalawakin natin ang libreng training programs at access sa mga kagamitang tulad ng helmet, vest, first aid kit at iba pa. Sa pamamagitan ng digitalization at makabagong teknolohiya, hindi malayong madagdagan ang tagumpay na matagal na nating sinimulan.
Ang paghahatid ng balita ay isang serbisyong publiko na nangangailangan ng sakripisyo. Ngunit hindi dapat ikompromiso ang kaligtasan at kalusugan ng mga mamamahayag. Sa pamamagitan ng OSH, mas magiging epektibo ang ating mga kapatid sa paglalahad ng katotohanan at makabuluhang impormasyong kinakailangan ng sambayanan.






