MANILA, Philippines- Nakatakdang magpatupad ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ng mas mahigpit na “safety nets” matapos na walang madatnang empleyado ang mga awtoridad sa sinalakay na Makati building na may kaugnayan umano sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) scam activities.
“Gagawa na tayo ng mga safety nets natin. Dati naman kasing talagang ganyan, hindi naman natin maiiwasan. Minsan, mayroong talaga, may kakaliwa ang isipan na magsusumbong dun sa mga ire-raid natin. Pero siguro sa sususnod mas magiging maingat na tayo,” pahayag ni PAOCC Executive Director Gilbert Cruz sa isang panayam.
“Pag uusapan ni Executive Secretary Lucas Bersamin kasi legal na po yung labanan dyan. Aside from closure order na pinataw ng Makati Business Permit and Licensing Office, ano pa ba yung administrative or criminal sanction ang pwede ipataw sa mga administration ng building,” dagdag niya.
Binanggit din niya ang mga alalahanin sa security agency ng gusali, inilatag ang “inconsistencies” sa access records. Ang huling naitalang entry ay alas-4 ng hapon subalit nang salakayin ng PAOCC ang lahat ng 21 palapag ng alas-6 ng hapon, walang nadatnang tauhan. Kris Jose