Home OPINION SALAMIN NG SINING

SALAMIN NG SINING

BUWAN na ng pag-ibig, pero sa mundo ng showbiz, usapang hiwalayan ang dominante na talakayan.   Mula sa mga primyadong love teams, hanggang sa mga naudlot na kasalan, pati na ‘yung alegasyon na jowa ng isang pulitiko ang isang sexy young actress ng pangunahing teleserye ngayon.  ‘Yun naman yata talaga ang pangunahing karakter ng showbiz dito sa Pinas, na dapat laman ka ng chismis para pag-usapan at malamang ‘yan ang sukatan kung sikat ka na nga.

Hindi man ako kritikong manunulat sa mundo ng telebisyon o mga pelikula, hindi ko maiwasang maki-marites at magtanong.   Bakit ba chismis ang parang pinaka-importante na tuntungan para sumikat sa indsutriya ng entertainment? Bakit hindi talent ng artista o kaya ay ganda ng kwento o ang pag-develop ng mga bagong teknik o pamamaraan sa pagbibigay ng aliw o impormasyon? Gano’n ba talaga kababaw ang panlasa ng mga Pilipino?

Halimbawa, kumikinang sa Hollywood si Liza Soberano sa kanyang ginampanang karakter sa pelikulang Lisa Frankenstein, pero ang laman ng mga balitang showbiz ay chismis nga sa naudlot na kasal at ang pagkikita diumano ni sexy actress at ng pulitiko.

Napakaraming ‘indie films’ na lumalabas sa mga international na streaming platforms, pero hindi ito nabibigyan ng sapat na pansin.  Gumuhit ng kasaysayan ang teleserye na “Dirty Linen” at ang “Batang Quiapo” at pati nga ‘yung record-breaking na kinita ng pelikulang “Rewind” at ang obra-maestrang “Gomburza” ay nagpaparamdam na rin sa Hollywood.

Pero wala yatang nag-aaral kung ano ang epekto nito sa industriya at sa mga taga-subaybay nito. Magiging senyales ba ang mga ito nang mas mabilis na pag-inog ng  industriya? Mas marami bang mga batang director, artista, producer, manunulat, editor at iba pa na gagamiting inspirasyon ang mga ito? Magkakaroon ba ng mga bagong proyekto ang mga production studio dahil napatunayan na pwede na ngang kumita sa takilya ang hindi “formula” na pelikula?

Meron bang mga bagong polisya at batas na ilalatag ang gobyerno para mas lumago at mag-mature ang industriya ng pelikulang Pilipino?

Naniniwala ako na ang kultura at sining ay sinasalamin ang totoong buhay.   Sa Ingles, “life imitates art” o kaya ay “art reflects life”.

Kaya, kung chismis na bulok ang humuhubog sa indiustriya ng pelikula, palagay ko dahil na rin ‘yan korapsyon at kahirapan na hinuhugisan ang mapait na pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.

Previous articleBJMP, GABAY AT PAG-ASA SA PAGBABAGONG BUHAY NG PDLs
Next articleKRISIS SA BIGAS AT ANG SUPER EL NIÑO