Home METRO Dahil sa pera, magbesty nag-agawan ng baril sa iskul

Dahil sa pera, magbesty nag-agawan ng baril sa iskul

LAOAG CITY- MINSAN pang napatunayan ang kasabihan “money is the of all evil” matapos masugatan ang isang babaeng college student makaraan makipag-agawan ng baril sa isa ring babaeng estudyante na kaibigan nito sa loob ng unibersidad dahil umano sa pera noong Martes sa lungsod na ito.

Nilapatan ng lunas ang tinamong sugat sa kamay ng biktima habang nadakip naman ang suspek na isa ring babae at kapwa hindi pinangalanan.

Batay sa report ng Laoag City Police Station, bandang 8:00 AM ng maganap ang insidente sa comfort room sa loob ng unibersidad.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nasa loob ang biktima na itinago sa pangalan Nena ng bigla na lamang itong tutukan ng .45 na kalibre na baril ng suspek na itinago naman sa pangalan Tina, kapwa estudyante sa isang unibersidad sa naturang lungsod at nagtalo hinggil sa nawawalang pera sa ATM ng huli.

Sa takot na pumutok ang baril sa biktima tinangka niya itong agawin sa suspek hanggang sa pumutok ito at masuwerteng walang tinamaan.

Ilang estudyante naman ang nakakita sa pangyayari at tumawag ng security guard at inawat ang mga ito sabay isinailalim sa lockdown ang unibersidad.

Ayon kay Police Captain Carlo Rabago, imbestigador ng Laoag City Police Station, posibleng sampahan ng reklamong attempted murder at illegal possession of firearms ang suspek.

Iimbestigahan na rin ng mga awtoridad kung paano nakalusot at naipasok ang baril sa loob ng unibersidad.

Makalipas ang ilang oras inalis na rin ang lockdown sa unibersidad ng pamunuan ang nangakong iimbestigahan ang nasabing insidente./Mary Anne Sapico