MANILA, Philippines – Ikinatuwa ni Senator Christopher “Bong” Go ang Executive Order No. 64 na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nag-uutos ng umento sa sahod at karagdagang allowance para sa mga manggagawa sa gobyerno.
“Ipinaglaban po natin ito kaya masaya tayo at narinig ang ating suhestiyon. Ito ay isang malaking hakbang patungo sa pagkilala at pagpapahalaga sa mga kawani ng ating gobyerno,” ayon kay Sen. Go.
“Ang pagtataas ng sahod na ito ay hindi lamang isang pagsasaalang-alang sa mga hamon ng inflation kundi isang pamamaraan para mapanatili nating masigla, may integridad, at mahusay ang ating workforce,” dagdag niya.
Ang adjustment sa salary schedule ay angkop sa lahat ng civilian government personnel na layong tugunan ang pagguho ng purchasing power ng maraming empleyado dahil sa patuloy na mga hamon sa ekonomiya.
“Ang kaginhawaan ng ating mga ordinaryong kawani ng gobyerno ay direktang nakakaapekto sa kalidad ng serbisyong kanilang maibibigay. Pinapatibay natin ang ating pangako na alagaan ang kapakanan ng mga empleyado ng gobyerno,” idinagdag ni Go.
Naging tagapagtaguyod si Go ng kapakanan ng mga empleyado ng pampublikong sektor kaya dati na niyang inihain ang Senate Bill No. 2504, kilala bilang “Salary Standardization Law VI.”
Ang panukalang batas na ito ay batay sa mga probisyon ng naunang pinagtibay na Republic Act No. 11466 o ang Salary Standardization Law (SSL) 5 kung saan nagsilbi si Go na isa sa may-akda at co-sponsor nito sa Senado noong 2019 at ipinatupad mula 2020-2023.
Kahit walang pagpapasa ng panukalang batas, sinabi ni Go na welcome sa kanya ang inisyatibo ng ehekutibo upang pondohan at ipatupad ang bagong tranche ng dagdag sahod para sa mga empleyado ng gobyerno.
“Bilang lingkod-bayan, tungkulin natin na siguraduhing ang bawat kawani ng gobyerno ay nabibigyan ng sapat na mga benepisyo na nararapat para sa kanilang pagsisilbi sa ating mga kababayan,” iginiit ni Go.
Ang adbokasiya ni Go para sa kapakanan ng mga ordinaryong empleyado sa pampublikong sektor ay bunsod ng mga hamon sa ekonomiya na nagpapataas ng pangangailangan para sa katatagan sa pananalapi ng mga manggagawa sa bansa.
Sa pampublikong pagdinig noong Martes ng Senate committee on health and demography, nilinaw ni Finance Secretary Ralph Recto ang mga legal na batayan at mga benepisyo ng paglilipat ng mga hindi nagamit na pondo mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang mapabuti ang kapakanan ng publiko at mga priaoridad na serbisyo, kabilang ang pagtataas ng kompensasyon sa pampublikong sektor.
Ngunit muling iginiit ni Go ang kanyang apela sa mga ahensya na i-maximize ang kanilang badyet upang mapabuti ang mga serbisyo nito sa mahihirap at nangangailangang sektor.
“Ang ating mga kawani sa gobyerno ay matagal nang nangangailangan ng isa pang pagtaas ng sahod. Suportado ko ito patungo sa pagpapabuti ng kanilang kalagayan sa buhay,” sabi ni Go. RNT