Home NATIONWIDE Saligang Batas inabandona ng Senado – Diokno

Saligang Batas inabandona ng Senado – Diokno

MANILA, Philippines – Maituturing na pag-abandona sa Saligang Batas ang ginawa ng Senado na ibalik ang Articles of Impeachment sa House of Representatives.

Ito ang pahayag ni Incoming Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno, aniya, malinaw na malinaw sa Konstitusyon na kapag na transmit ang Articles of Impeachment na ang nakalagda ay at least one-third members ay walang ibang gagawin kundi ay agad-agad i-trial ang kaso.

“Ang ibig sabihin ng trial ay ang tatanggapin ang ebidensiya, i-uupo ang mga testigo, ihahain ang mga exhibits. Hindi ‘yan pwedeng basta basta lang ibasura o ibalewala kaya kami talagang nababahala sa ginawa ng Senado,” pahayag ni Diokno.

“inabandon na nila ang Constitution and that is really a clear grave abuse of discretion,” dagdag pa nito.

Aniya, walang sertipikasyon na dapat gawin ang Kamara dahil ang pagbibigay ng Articles of impeachment ay ang mismong sertipikasyon na.

Ani Diokno, umuupo ang mga senador bilang senator-judges kaya naman hindi pwede na sila ang magfile ng mosyon.

“Ang dapat mag-file ng mga motion ay iyong mga parties pero wala pa nga iyong mga parties doon. Kung manggaling halimbawa sa defense ang motion na ganyan, dapat didingin nila. Pero bakit galing sa member ng court. Wala rin iyon sa rules na inaprubahan nila,” paliwanag ni Diokno.

Nilinaw ni Diokno na hindi pa patay ang impeachment at ipaglalaban ito ng Kamara, aniya, walang isyu na itutuloy ang impeachment sa 20th Congress.

“Tulad ng ibang mga korte natin, ngayong na-constitute at na-convene na ang impeachment court, kahit mag-iba ang composition niyan, kahit na mapalitan ang ibang mga huwes ay nandyan na ‘yan at tuluy-tuloy dapat ang kanilang pagiging court kahit mag-carry-over iyan sa 20th Congress,” dagdag pa ni Diokno.

Para kay Diokno, dapat ibalik ng Kamara ang articles of impeachment sa Senado. Gail Mendoza