Home NATIONWIDE San Juan Mayor Zamora, hinamon ni JV Ejercito: ‘Tayo na lang mag-away’

San Juan Mayor Zamora, hinamon ni JV Ejercito: ‘Tayo na lang mag-away’

MANILA, Philippines- Mariing hinamon ng away ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito nitong Huwebes si Mayor Francis Zamora matapos idamay ng huli ang mamamayan ng San Juan City sa kanilang political rift matapos batikusin ng senador ang illegal disbursements ng cash assistance sa local government officials.

Sa Kapihan Forum sa Senado, sinabi ni Ejercito na dapat paiimbestigahan ng Senate Blue Ribbon committee ang cash aid scam sa San Juan, saka iimbitahan ang lahat ng local officials na sangkot na dumalo sa pagdinig at linawin ang alegasyon.

Ibinulgar ni Ejercito sa kanyang privilege speech nitong Miyerkules ang pamamamaraan na ginagawa ng lokal na pamahalaan ng San Juan sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE), na kinukuha ang cash aid mula sa beneficiaries at saka ibinibigay sa mayor at iba pang local officials.

Naunang iginiit ni Zamora na malinis ang kanyang konsensya at haharapin ang isyu. Aniya, walang kontrol ang LGUs sa pamimigay ng pondo sa ilalim ng TUPAD program.

Matagal nang magkaaway ang pamilya Estrada at Zamora sa San Juan City.

Sinabi ni Ejercito, anak ni dating Pangulo at dating San Juan mayor Joseph Estrada, na dapat siya ang harapin ni Zamora at huwag isama ang kanilang constituents sa kanilang away-politika.

Nilinaw pa ni Ejercito na walang kinalaman sa politika ang kanyang pagbubulgar sa sinasabing eskandalo.

“Maganda magkaharap harap tayo. Ang apela ko lang kay Mayor Zamora, wala nang threat sa ngayon, ako nasa Senado na, ang mommy ko retired na… Ang apela ko lang sana kami na lang mag-bangayan sa pulitika,” aniya.

“Kawawa ang tao eh. ‘Yun ang hindi ko talaga matiis dahil every time na magsasalita ako, ang binabawian naman ang mga tao, ‘yung maliliit,” giit pa niya.

Dahil dito, nananawagan si Ejercito sa DOLE at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na huwag nang isama ang politiko sa distribusyon ng cash assistance sa beneficiaries na ginagamit sa “patronage politics.”

Aniya, dapat paunlarin nila ang pamamamaraan ng aid distribution na gumagamit ang cash na maaaring prone sa tukso.

“Kung puwede, take the politicians out of it. Ang hirap kasi kapag na-involve ang mga pulitiko o political leaders… it’s being used for patronage politics. Ayun nga ang pinakamasarap sa pulitiko eh, namimigay ka ng assistance, ng tulong na hindi mo pera, pogi ka,” ayon kay Ejercito na umamin din na guilty siya sa naturang pagkilos.

“I don’t know how, but if we really want this program to be more effective, kailangan iwasan na ito’y magamit for patronage politics,” wika pa niya.

Nitong Martes, nananawagan si Ejercito sa Senado na itinigil na ang “ayuda mentality” ng Filipinos dahil pinatitingkad lang nito ang kultura ang dependency at mendicancy. Ernie Reyes

Previous article‘Purple march’ sa pagdiriwang ng Women’s Month
Next articleSchool assignments, paalala para sa mga kukuha ng career service exam sa Mar. 3 inilabas ng CSC