MANILA, Philippines- Posibleng kasuhan ang mga sangkot sa sand dumping incident sa West Philippine Sea dahil sa paglabag sa dalawang batas— ang Philippine Maritime Zones Act at Philippine Mining Act, base sa Malacañang.
Bagama’t hindi inilahad ni Communications Undersecretary Claire Castro ang iba pang impormasyon sa umiiral na imbestigasyon na ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa insidente, sinabi ng Palace press officer na maaaring maharap ang violators sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7942 o ang Philippine Mining Act at RA 120641 o ang Philippine Maritime Zones Act.
“Sabi nga po natin na ito po ngayon ay may ongoing investigation, hindi po natin masasabi ang pinakadetalye nito dahil medyo sensitibo po ang mga issues dito,” pahayag ni Castro sa isang Palace briefing nitong Miyerkules.
“Kung sino man po ang lumabag dito maari po silang kasuhan ng paglabag sa RA 7942 at RA 12064 or Philippine Maritime Zones Act at ang isa ay Philippine Mining Act. For the meantime, hanggang diyan lang po muna ang mabibigay na detalye,” dagdag niya.
Subalit, inihayag ng Palace official na makikipag-ugnayan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA), na naglabas ng ulat na nagsasabing ang buhanging ginamit sa ilang reclamation operations sa West Philippine Sea ay galing umano sa coastal areas ng bansa.
Makikipag-ugnayan din ang DENR sa Philippine Coast Guard (PCG) bilang bahagi ng gumugulong na imbestigasyon.
Noong May 7, sinabi ng Malacañang na ipinag-utos ng Pangulo ang imbestigasyon sa NICA report na nagsasabing ang buhangin mula sa coastal areas ng Pilipinas ay ginamit sa reclamation operations sa West Philippine Sea.
Nang tanungin kung papapanagutin din ang local government officials sa pangyayaring ito, sinabi ni Castro na depende ito sa resulta ng imbestigasyon. RNT/SA