Home METRO Sandamakmak na basura naitala ngayong Semana Santa

Sandamakmak na basura naitala ngayong Semana Santa

161
0
via Ecowaste

MANILA, Philippines – Pinuna ng EcoWaste Coalition ang sandamakmak na basura sa ilang simbahan at pangunahing pilgrimage sites sa panahon ng Semana Santa.

Bagama’t karamihan sa mga simbahan ay maayos at malinis, sinabi ng grupo na may mga insidente ng pagtatapon ng basura sa ilang malalaking aktibidad gaya ng Alay Lakad papuntang International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage sa Antipolo, prusisyon ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno, at Way of the Cross sa Our Lady of Lourdes Grotto Shrine.

“Despite the oft-repeated reminders to leave only footprints, rampant littering again tarnished the Holy Week as if it has become a tradition in itself,” ani Ochie Tolentino ng EcoWaste Coalition.

Tinatayang anim na milyong deboto ang lumahok sa penitential at thanksgiving walks papuntang Antipolo City, na nag-iwan ng kalat sa ilang lugar at naging abala ang waste at sanitation workers ng Pasig, Cainta, Taytay, at Antipolo. Tinukoy rin ang Tikling Junction bilang littering hotspot.

Ayon pa sa EcoWaste, sa umaga ng Biyernes Santo, nakita ang patio ng Antipolo Cathedral na puno ng basura tulad ng plastic bottles at religious literature mula sa ilang non-Catholic groups.

May mga basura rin na naitala sa Quiapo district, partikular sa Quezon Boulevard, Recto Avenue, at mga kalapit na kalsada habang umaabot sa mahigit 500,000 deboto ang sumali sa prusisyon ng Black Nazarene.

Sa Grotto Shrine sa San Jose del Monte City, iniwan din ng mga nagdasal ang mga kalat sa Calvary Hill at picnic areas, habang may overflow ng basurahan sa lugar. May littering din na naobserbahan sa National Shrine and Parish of the Divine Mercy.

Sa kabuuan ng monitoring, bumisita ang EcoWaste Coalition sa 42 simbahan sa Bataan, Batangas, Bulacan, Cavite, Rizal, at Metro Manila. Ilan sa mga lugar na nakitaan ng malinis na kapaligiran ay ang Cathedral-Shrine and Parish of St. Joseph sa Bataan, St. Catherine of Siena Parish, Minor Basilica of St. Martin of Tours sa Taal, at Santo Domingo Church sa Quezon City, bukod sa iba pa.

Nagpasalamat din ang grupo sa mga LGU, church waste workers, volunteers, at informal waste sector sa pagtulong sa paglilinis at waste management.

Samantala, iniulat din ng Protected Area Management Office (PAMO) na napuno ng basura ang ilang bahagi ng Mount Banahaw sa Quezon matapos ang Semana Santa.

Ayon sa PAMO, 42 sako ng basura ang nakolekta sa Barangay Kinabuhayan, Dolores noong Sabado ng cleanup drive.

“True devotion is not only expressed through prayer, but also through caring for the Lord’s creation,” ayon sa PAMO.

Matatandaang noong 2004, isinara ng DENR ang inner sanctuaries ng Mount Banahaw upang makabawi ang kalikasan, at nananatiling off-limits ang mga peak nito. Pinapayagan lamang ang limitadong aktibidad sa mga designated multiple-use zones gaya ng Kinabuhayan at Sta. Lucia.

Patuloy namang paalala ng mga awtoridad sa mga deboto at bisita na sundin ang mga environmental rules, kabilang ang pagdadala ng sariling trash bag at pag-uwi ng sariling basura. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here