Home TOP STORIES Sandoval, 28 pang kandidato pinatawan ng show cause order ng Comelec

Sandoval, 28 pang kandidato pinatawan ng show cause order ng Comelec

MANILA, Philippines – Pinatawan ng show cause order si Malabon Mayor at reelectionist Jeannie Sandoval ng Commission on Elections (Comelec) na nag-uutos sa kanya na magpaliwanag ukol sa kanyang posibleng paglabag na may kaugnayan sa vote buying.

Ayon sa mga dokumentong inilabas ng Comelec, ang akusasyon ay nauugnay sa paggamit ng mga opisyal na social media pages ng lungsod sa kanyang mga aktibidad sa kampanya.

Ang mga post sa social media ay naiulat na may kinalaman sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Malabon Ahon Blue Card program, na ayon sa ilan ay maaaring ituring na isang uri ng paghikayat kapalit ng boto.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9006 (Fair Election Act) at Omnibus Election Code, mahigpit na ipinagbabawal ang pamamahagi ng pera, mga regalo, o ayuda bilang kapalit ng boto o suporta para sa isang kandidato. Nakasaad din sa batas na hindi lamang ang mga nagbibigay ng ganitong insentibo ang maaaring managot, kundi pati ang mga tumatanggap ay maaaring patawan ng karagdagang parusa, kabilang ang pagkakakulong at pagkansela ng karapatang bumoto o tumakbo sa eleksyon.

Bukod kay Sandoval ay 28 pang mga kandidato na ang naunang pinadalhan ng show cause order ng Comelec kung saan kabilang dito sina Mayor Dale Malapitan ng Caloocan, Isko Moreno, Malapitan, at Samuel Versoza Jr., ng Maynila.

Kabilang din sina Jerry Jose, isang kandidato para sa konseho sa Villaverde, Nueva Vizcaya; Masbate Gov. Richard Kho; Baybay City congressional candidate Levito Baligod; at Baybay City mayoral candidate Marilou Baligod sa pinagpapaliwanag ng Comelec.

Ang iba pang mga kandidatong inutusan ng Comelec na magpaliwanag ay sina Maguindanao del Sur Rep. Esmael Mangudadatu, Alaminos, Laguna Vice Mayor Victor Mitra, Alaminos Mayor Eric Reyes, Alaminos Councilor Joey Briz, Isabela Rep. Joseph Tan, Bulacan Sangguniang Panlalawigan member Anna Kathrina Hernandez Santiago, Isabela Mayor Alyssa Sheena Tan, Pandan, Catanduanes Mayor Raul Tabirara, Cavite Rep. Adrian Jay Advincula, at Eastern Samar Councilor Rex Docena. RNT