Home NATIONWIDE Sandro Marcos: Duterte official may kundisyon sa suporta kay Marcos noong 2022

Sandro Marcos: Duterte official may kundisyon sa suporta kay Marcos noong 2022

1
0

MANILA, Philippines – Isiniwalat ni House Majority Floor Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos na isang opisyal ng administrasyong Duterte ang nag-alok ng suporta sa kandidatura ng kanyang ama, si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., noong 2022 kapalit ng karapatang pumili ng ilang pangunahing opisyal ng pamahalaan.

Ayon kay Sandro, nagtungo sila noon sa Malacañang upang humingi ng endorsement kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa presidential bid ni Marcos Jr.

Aniya, dalawang oras silang naghintay ngunit sa halip na si Duterte lamang, tatlong iba pang personalidad ang kanilang kaharap.

Hindi pinangalanan ng mambabatas ang mga ito, ngunit sinabi niyang isa sa kanila, na isang nakaupong opisyal, ang naglatag ng kondisyon kay Duterte para suportahan si Marcos Jr.

Kabilang umano sa hinihingi ang karapatang pumili ng Executive Secretary, Speaker ng House of Representatives, Senate President at iba pang kalihim ng gabinete.

“Sige suportahan ka namin on the condition that, kami ang mamimili ES, kami ang mamimili ng Speaker, kami ang mamimili ng Senate President, kami mamimili ng Secretary, basta, marami silang hiningi,” ani Sandro.

Ang pahayag ay ginawa ni Sandro sa programa sa DZMM nitong Sabado, Agosto 8.

Napag-usapan din ang naging pagkasira ng UniTeam, ang tandem nina Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte noong 2022 elections.

Ayon kay Sandro, nakita niyang posible ang pagkakaroon ng hidwaan dahil sa power struggle na dulot ng maraming partidong nakapaligid sa administrasyon.

“A part of me kinda saw it coming, hindi dahil sa isang tao kundi dahil sa dami ng mga iba’t ibang partido sa paligid, sa dami nilang, it was a power struggle,” aniya.

Hindi naman tinukoy ni Sandro kung sino ang opisyal na umano’y naglatag ng mga kondisyon o kung tinanggap ng kampo ni Marcos Jr. ang naturang alok. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here