MANILA, Philippines – Nag-alay ng panalangin at pakikiramay si Pope Leo XIV sa mga biktima ng malakas na magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa Cebu noong Martes ng gabi at ikinasawi ng maraming Pilipino.
Ayon sa ulat ng CBCP News, ang opisyal na news service ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, sinabi ni Cebu Archbishop Alberto Uy na natanggap niya ang mensahe ng Santo Papa sa pamamagitan ng Apostolic Nuncio to the Philippines, Archbishop Charles John Brown.
“The Apostolic Nuncio to the Philippines, Archbishop Charles John Brown, called me to convey the Holy Father’s heartfelt sympathies for all the survivors of the earthquake, and his prayers for the eternal repose of the victims,” sabi ni Uy.
Idinagdag pa ni Uy na tiniyak din ng Papa sa mga mananampalataya ang kanyang “spiritual closeness” habang ang mga komunidad ay nagdadalamhati at nagsisimula nang bumangon.
Noong Huwebes, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Office na ang mapangwasak na lindol ay kumitil ng 72 buhay sa Cebu, na idineklara na sa state of calamity.