Home NATIONWIDE Sapat na suplay ng bigas ngayong 2024 tiniyak ng DA

Sapat na suplay ng bigas ngayong 2024 tiniyak ng DA

MANILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) nitong Huwebes ang matatag na supply bigas sa kabuuan ng taon sa kabila ng bahagyang pagbaba ng produksyon sa unang tatlong buwan ng 2024 dahil sa El Niño phenomenon.

Inihayag ito ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa matapos iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba ang rice production mula January hanggang March ng taong ito sa 4.68 million metric tons (MMT), kumpara sa 4.78 MMT para sa parehong period noong nakaraang taon.

“Bumababa siya ng bahagyang-bahagya by almost 100,000 metric tons. Mayroon pa naman tayong upcoming na wet season, mas malaki ang production na nangyayari during the wet season,” pahayag ni de Mesa sa isang panayam.

Ngayon pa lamang ay inaasistihan na ng DA ang mga magsasaka sa paghahanda nila ng kanilang lupain para sa tag-ulan, anang opisyal.

Kabilang dito ang maagang distribusyon ng mga punla, fertilizers at fertilizer vouchers, at machinery sa pamamagitan ng regional offices ng DA at ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice).

Ipinag-utos din ng National Food Authority (NFA) sa local offices nito na mag-secure ng mga kontrata para sa drying facilities upang maiwasan ang wastage sa wet harvest season.

Bukod sa local production, sinabi ni de Mesa na patuloy ang pagtiyak ng bansa sa rice supply sa pamamagitan ng pag-aangkat.

Sa kasalukuyan, halos 1.1 million MT ng imported rice ang dumating na sa bansa. RNT/SA